MAKARAAN ang maigsing habulan, nasukol ng mga tauhan ng Baseco Police Station 13 ng Manila Police District, ang tatlo katao na umano’y nagbebenta ng solvent sa mga kabataan sa area ng Divisoria, Ermita, Quiapo at Sta. Cruz, Manila.
Ayon sa ulat, makaraan ang natanggap na tawag sa 911, nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ni Police Lieutenant Colonel Emmanuel Gomez, station commander, at nadakip ang mga suspek na sina Adrian Lopez, 32; Alvin Dela Cruz, 35, at Joanne Ramos, 36-anyos.
Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-10:30 ng umaga, nagsagawa ng Simultaneous Anti- Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ang mga tauhan ng Baseco Police Station dahil sa tawag sa telepono hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang tinatayang dalawang gallon ng colorless liquid na hinihinalang solvent.
Ang mga suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1619, Revised Penal Code, Section 2 (Possession of Volatile Substance) at Article 151 (Resistance and Disobedience to a Person in Authority).
(RENE CRISOSTOMO)
