34 MISSING SABUNGERO ‘DI TIYAK NA BUHAY PA

AMINADO ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na wala pa rin silang nakukuhang proof of life sa 34 nawawalang sabungero sa gitna ng puspusang imbestigasyong isinasagawa ng PNP- Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa kaso.

Ayon kay PNP Gen. Rodolfo Azurin Jr., hindi pa rin nila makumpirma sa ngayon kung nasaan ang mga sabungero kaya walang patunay na buhay pa ang mga ito.

Sinabi pa ng PNP Chief na inaasahan na ng kanilang hanay ang “pinakamasamang” nangyari sa mga sabungero kasabay ng pagtiyak na hahabulin ng PNP ang hustisya para sa kanila.

Maliliit na ebidensiya pa lamang umano ang kanilang nakakalap gaya ng mga cellphone kaya limitado ang mga impormasyong hawak nila hinggil sa hinihinalang mga pagdukot.

Una rito, sinabi ng PNP na wala pa ring mapagkakatiwalaang lead sa kinaroroonan ng mga sabungero na tinangay noong nakaraang taon mula Batangas, Laguna Maynila at Cavite.

Kamakailan, inilabas ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang composite sketches ng dalawang suspek sa pagkawala ni Michael Bautista, isa sa mga dinukot na sabungero sa Sta. Cruz, Laguna.

Nasampahan na ng reklamo ang walong natukoy na indibidwal at ilang John Does na sangkot sa Manila Arena abduction, gayundin ang limang tauhan ng pulisya at kanilang mga kasamahan na itinurong responsable sa kidnapping kay Ricardo Lasco noon ding nakalipas na taon. (JESSE KABEL RUIZ)

30

Related posts

Leave a Comment