3,524 TITULO IPAMAMAHAGI NG DAR SA COTABATO

PARA maipatupad ang kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na libreng ipamahagi ang lupang agraryo sa mga walang lupang masasaka, nakatakdang ipamahagi ni  Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III ang 3,524 certificates of land ownership award (CLOAs) sa agrarian reform beneficiaries (ARBs) ng Kidapawan, North Cotabato sa Disyembre 10, 2022.

Sinabi ng DAR, may kabuuang lawak na 6,103 ektaryang lupain ang ipamamahagi sa 3,273 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa lugar.

“I will personally deliver these land titles to give them hope, to let them feel that the government is here ready to give them help and support,” ani Estrella.

Samantala, pangungunahan din ni Estrella ang pagkakaloob ng isang sasakyang panghakot na nagkakahalaga ng P195,000, sa mga magsasakang miyembro ng Kisandal Agrarian Reform Beneficiaries Association. Ang sasakyan, na ibinigay sa ilalim ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP), ay gagamitin sa paghahatid ng ani ng mga magsasaka sa mga institusyonal na merkado.

Ipagkakaloob din ni Estrella ang mga indemnity check na nagkakahalaga ng P815,666, sa 53 ARB ng munisipalidad ng Carmen at 108 ARB mula sa Alamada. Ang mga ARB ay isinasalba mula sa kanilang pagkalugi nang ang kanilang mga pananim ay nasira dahil sa daga at pagbaha. Ang kompensasyon ay ibinibigay ng DAR at Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).

Kaugnay nito, ipagkakaloob din ng kalihim sa lokal na pamahalaan ng Alamada ang 10 pampublikong lote na pag-aari ng gobyerno na matatagpuan sa Kitacubong, Mirasol at Guiling. Sa lawak na 13.7 ektarya, ang mga lote ay gagamitin ng lokal na pamahalaan ng Alamada sa pagtatayo o pagpapabuti ng municipal plaza, government center, sementeryo, health center, public market, barangay plaza, at barangay hall.

Sinabi ni Estrella, ang mga pampublikong lote ay nasa ilalim ng administered landed estates ng DAR na nakuha sa ilalim ng Commonwealth Act No. 539, Republic Act Nos. 1160, 1266 at 1400, at Settlement Projects at mga lupang nakuha sa ilalim ng Executive Order No. 448.

Kaugnay nito, sinabi ni Estrella na sa ilalim ng DAR Administrative Order no. 4, series of 2006, ang mga lote na ito ay ibibigay sa kinauukulang ahensya ng gobyerno sa opisyal na kahilingan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Deed of Transfer ng Kalihim ng DAR at ng pinuno o sino mang awtorisadong kinatawan ng LGU.

“These public lots will be developed by the LGU of Alamada. With creative planning, these infrastructures will surely promote economic development in Alamada,” sinabi pa ni Estrella.  (PAOLO SANTOS)

42

Related posts

Leave a Comment