PANSAMANTALANG sinuspinde ni Mulanay, Quezon Mayor Aris Aguirre ang klase ng mga mag-aaral sa apat na eskwelahan sa kanilang bayan matapos na bulabugin ng bomb threat noong Linggo ng umaga.
Batay sa inilabas na anunsyo ni Aguirre noong Linggo ng hapon, suspendido ang mga klase nitong Lunes, Mayo 22, sa mga paaralan ng Sta. Rosa Elementary School, Mulanay Central Elementary School, Bondoc Peninsula Agricultural High School at PUP – Mulanay.
Ito ay habang patuloy na sinusuri pa ng mga awtoridad ang nasabing mga eskwelahan.
Sa unang pagsisiyasat ng pulisya, unang ng sinabi ng mga tauhan ng Mulanay PNP na wala silang nakitang ano mang bomba sa tinukoy na mga eskwelahan.
Ngunit ayon kay Aguirre, upang mas matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, school staff at officials, minabuti nilang hingin ang tulong ng PNP Explosive and Ordnance Disposal Unit (EOD) mula sa Quezon Police Provincial Office sa Lucena City.
Linggo ng umaga nang magbanta ang isang nagpakilalang “Ka Tonyo” sa pamamagitan ng Facebook post nito sa page ng university student government ng PUP-Mulanay, na may nakatanim na mga bomba sa mga eskwelahan.
Ayon sa post nito sa wikang Bisaya, may nakatanim na mga bomba sa nabanggit na mga eskwelahan at binigyang-diin na huwag balewalain ang mga babala dahil ang mga target ay ang nagkukumpol na mga estudyante.
Agad nagresponde ang mga awtoridad at nagsagawa ng inspeksyon sa lahat ng sulok ng mga eskwelahan ngunit walang nakitang bomba. (NILOU DEL CARMEN)
295