4 KABATAAN PATAY SA DRAG RACING?

ANTIPOLO CITY – Apat na kabataang lalaki ang namatay nang sumalpok ang sinasakyan nilang kotse sa sinusundang truck sa Marcos Highway, Barangay Mayamot sa lungsod, nitong Lunes ng madaling araw.

Ayon sa report ng Antipolo Police, pawang dead on the spot ang mga sakay ng kotse na may edad na 21 hanggang 22-anyos at mga residente ng nasabing lungsod.

Nabatid sa inisyal na imbestigasyon, magkasunod na tinatahak ng Wing van truck na minamaneho ni Glen Gumban, at ng Honda Civic Sedan na minamaneho ni Juanito Magsino, ang highway patungo sa direksyon ng Sta. Lucia Grand Mall sa Cainta.

Nang bigla na lamang umanong sumalpok ang kotse sa likod ng Wing van truck dakong alas-3:00 ng madaling araw. Sa lakas ng pagkasalpok, nagkayupi-yupi ang kotse at halos matanggal ang buong bubong nito.

Pumasok pa sa ilalim ng truck ang unahan nito na ikinaipit sa apat na mga biktimang sakay ng kotse.

Iniimbestigahan pa ng mga aawtoridad kung may kinalaman sa illegal drag racing ng mga kabataan ang insidente o kung nakainom ang mga sakay nito.

(NILOU DEL CARMEN)

119

Related posts

Leave a Comment