LAGUNA – Isinailalim sa alcohol test ang babaeng driver ng Ford Raptor pick-up na nakabangga sa dalawang tricycle sa national highway sa Barangay Bucal, Calamba City na ikinamatay ng apat na magkakapamilya noong Miyerkoles ng madaling araw.
Ayon kay Calamba City chief, P/Lt. Col. Melanie Martinez, hinihintay na lamang nila ang resulta nito mula sa hospital kung saan naka-confine din ang nasabing driver na si Alyssa Mae Pacrin Abitria, at ang kasama nitong lalaki dahil sa mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan, para makumpirma ang lumabas sa inisyal na imbestigasyon na lasing ito nang mangyari ang insidente.
Nakatakda rin itong sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries and damage to properties.
Ayon sa kuha ng CCTV sa pinangyarihan ng aksidente, mabilis ang takbo ng pick-up kaya nag-overshoot ito sa kurbadang kalsada at nasalpok ang dalawang kasalubong na tricycle dakong alas-3:30 ng madaling araw.
Sumalpok pa sa poste ng kuryente ang pick-up bago tumama sa pader ng isang bahay.
Dead on the spot ang 35-anyos na padre de pamilya na si Gilbert Palupit na siyang nagmamaneho ng isa sa mga nasalpok na tricycle, samantalang DOA naman sa ospital ang misis nito na si Aileen Palupit, 34, at kanilang 4-anyos na anak na babae.
Dakong alas-8:30 naman ng umaga nang bawian ng buhay ang isa pang anak na 11-anyos na babae habang nilalapatan ng lunas sa ospital.
Samantalang nasa kritikal pa ring kondisyon ang dalawa pang anak na babae na may edad 8 at 12-anyos.
Nasa stable namang kalagayan sa ospital ang mag-asawang fruit vendor na sina John Rey San Juan at Myla San Juan na siya namang sakay ng isa pang tricycle.
Ayon sa Calamba City Police, patungo ang mag-anak sa Sariaya, Quezon upang dumalaw sa mga kapamilya ng nasawing ginang na taga roon sa nasabing bayan, nang mangyari ang trahedya.
Nakaburol na ang mag-aama sa kanilang tahanan sa Barangay Real, Calamba City, habang sa Sariaya, Quezon muna dinala ang labi ng kanilang nanay.
Dalangin naman ng mga kapamilya ng mga biktima na makasalba ang dalawang bata.
Nag-abot na rin ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Calamba City sa pamilya ng mga biktima.
(NILOU DEL CARMEN)
829