4 MAGKAKAPAMILYA PATAY SA SUNOG SA CEBU CITY

CEBU CITY – Apat na miyembro ng pamilya ang namatay sa sunog na sumiklab sa mga kabahayan sa Sitio Sta. Lucia at Putat, Barangay Tinago, sa lungsod nitong Martes ng madaling araw.

Ayon sa Cebu City Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog dakong ala-1:00 ng madaling araw na agad itinaas sa 4th alarm.

Tumagal ang sunog ng apat na oras at naapula ang apoy pasado alas-5:00 ng umaga.

Ayon sa BFP, umabot sa 41 kabahayan ang nilamon ng apoy.

Nang maapula ang sunog, natagpuan ng mga tauhan ng BFP ang bangkay ng mga biktima na kinabibilangan ng mag-asawa at kanilang dalawang anak na lalaki na may edad 14 at 12-anyos.

Walo pa ang nasugatan sa insidente kabilang ang iba pang mga anak ng mag-asawa at ilang kapitbahay.

Ayon kay BFP investigator FO3 Fulbert Navarro, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ng pamilya na noon ay natutulog sa 3rd floor.

Nagawang makababa ng mga ito subalit na-trap sa loob matapos mag-collapse ang ibabang bahagi ng bahay nang magsimula ang sunog.

Nasa 15 pamilya na binubuo ng 90 indibidwal ang naapektuhan ng sunog at ngayon ay pansamantalang nananatili sa evacuation center.

Tinataya ng BFP na aabot sa P7 milyon ang halaga ng naging pinsala sa nasabing sunog.

(NILOU DEL CARMEN)

153

Related posts

Leave a Comment