NAGKASUNDO ang Estados Unidos at Pilipinas sa pagtatatag ng apat na karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa bansa, sa inilabas na joint statement ng Pilipinas at United States kaugnay sa pagbisita ni US Defense Secretary Lloyd J Austin III.
Sa ginanap na pulong balitaan sa lobby ng Department of National Defense sa Camp Emilio Aguinaldo sa Quezon City ay kinumpirma ni Austin na pumayag na si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., para sa karagdagang apat na EDCA Sites.
Hindi naman tinukoy ni Defense Secretary Carlito Galvez kung saan area sa Pilipinas ilalagay ang bagong military sites para sa US rotational forces.
Unang umugong ang balitang plano umanong ilagay ang karagdagang EDCA Sites sa Luzon partikular sa Hilagang bahagi na nakaharap sa China at Taiwan.
Bukod pa sa temporary basing na ilalagay sa Palawan na nakaharap sa West Philippine Sea (South China Sea).
Sa statement ng DND, nakasaad na layon nitong pabilisin ang full implementation ng EDCA.
Ang mga karagdagang lokasyon ay mas makapagpapabilis sa paghahatid ng suporta sa humanitarian at climate-related disasters hindi lamang sa Pilipinas kung hindi maging sa iba pang kalapit bansa, pahayag pa ng US Pentagon chief.
Una nang naglaan ang Amerika ng $82 milyon para sa infrastructure investments sa existing 5 EDCA sites.
Ilan sa mga pre-determined EDCA sites ay sa Antonio Bautista Air Base sa Palawan na malapit sa Kalayaan Group of Islands, Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija kung saan matatagpuan ang pinakamalaking military camp at madalas pagdausan ng Philippine-US military exercises.
Ang dalawang EDCA site na natukoy ay sa Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City.
Kaugnay nito, inihayag ni Pangulong Marcos na mararamdaman ng Pilipinas ang tulong ng Estados Unidos sa hinaharap.
Ayon sa Pangulo, matibay na ang samahan ng Pilipinas at Amerika kaya anoman ang mangyari sa hinaharap ay palaging kasama ng Pilipinas ang Estados Unidos. (JESSE KABEL RUIZ)
