4 TERORISTA NAPATAY, 3 NA-RESCUE SA SAGUPAAN

APAT na bangkay ng mga teroristang Daulah Islamiyah-Lanao ang natagpuan ng military kasunod nang engkuwentro sa Barangay Piangologan, Marogong, Lanao del Sur.

Ayon sa ulat, nakasagupa ng mga tauhan ng Philippine Army 3rd Scout Ranger Battalion ang isang grupo ng local terrorist group na pinaniniwalaang kasapi ng DI-Lanao na pinamumunuan ni Abu Zacariah, sa isinagawang  operasyon sa Barangay Piangologan, Marogong.

Habang nagsasagawa ng clearing operation sa encounter area ay na-rescue ng mga sundalo ang tatlo pang miyembro ng local terrorist group na kinabibilangan ng isang babae at dalawang menor de edad.

Nakuha rin sa encounter site ang isang AR-15 Bushmaster, dalawang  M16A1 rifles, isang  R4 rifle, apat na long magazines para sa 5.56mm, tatlong commercial radios, 70 rounds ng 5.56mm ammunition, isang improvised explosive device (IED) set, isang logbook diagram para sa IED, tatlong  cellular phones, tatlong backpacks with personal belongings, at mga pagkain.

Ayon kay Maj. Gen. Antonio Nafarrete, Joint Task Force ZamPeLan commander, isa niyang tauhan ang idineklarang ‘killed in action’ habang may tatlo pang sundalo ang nasugatan sa labanan na nagpapagaling na ngayon sa pagamutan.

Inihayag naman ni Lt. Gen. Roy Galido, commander ng  Western Mindanao Command, kapuri-puri ang sigasig ng mga tauhan ng Joint Task Force ZamPeLan na supilin ang terorismo at wakasan ang nalalabing mga terorista sa kanilang nasasakupan.

Kasunod nito ang paghahatid ng kanyang pakikiramay sa pamilya ng sundalo na nag-alay ng kanyang buhay para sa kapayapaan.

 “I urge the remnants of the Daulah Islamiyah to lay down their arms and surrender peacefully to avoid gun fights and prevent loss of lives and bloodshed,” ani Lt. Gen. Galido. (JESSE KABEL RUIZ)

182

Related posts

Leave a Comment