4 TIMBOG SA P224K SHABU

UMABOT sa mahigit P.2 milyong halaga ng umano’y shabu ang nakumpiska sa arestadong apat na hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa mga lungsod ng Valenzuela at Navotas.

Ayon kay Valenzuela City Police chief, Col. Salvador Destura Jr., dakong alas-4:00 ng hapon nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni P/Lt. Joel Madregalejo, ng buy-bust operation sa Santolan Service Road, Brgy. Gen T. De Leon sa lungsod.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang kanilang target na si Jun-jun Setazate alyas “Joking”, 32, ng Brgy. Mapulang Lupa, matapos bentahan ng P8,500 halaga ng umano’y shabu ang isang undercover police.

Nakumpiska sa suspek ang 22 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P149,600, buy-bust money, at motorsiklo.

Sa Navotas, natimbog naman ng mga operatiba ng SDEU ng Navotas City Police, sa buy-bust operation sa Langaray St., Brgy. NBBS Dagat-Dagatan dakong ala-1:35 ng madaling araw ang mga suspek na sina Nelson Cordova alyas “Eson”, 49; Vangie Palomar alyas “Abek”, 33, at Jessica Reyes alyas “Ica”, 28.

Ani Navotas City Police chief, Col. Dexter Ollaging, nakuha sa mga suspek ang tinatayang 11 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P74,800, P300 marked money at P600 recovered money. (FRANCIS SORIANO)

10

Related posts

Leave a Comment