LAGUNA – Nadakma ng mga awtoridad ang 43 katao at nakumpiska ang mga kagamitan sa pagsusugal, sa pagsalakay sa isang sabungan sa bayan ng Pakil sa lalawigang ito, noong Martes, Mayo 9, 2023.
Ang pagsalakay ay isinagawa ng mga tauhan ng Provincial Special Operations Unit (PSOU), Laguna Provincial Police Office (LPPO), at Pakil Municipal Police Station (MPS) sa Barangay Kabulusan.
Ayon sa pulisya na nakatanggap sila ng tip-off na may nag-o-operate ng sabungan sa lugar nang walang permit.
Agad nagkasa ng operasyon ang pulisya sa sabungan na nagresulta sa pagkakadakip sa 43 katao, kabilang ang may-ari ng arena na si Jonathan Cecil Serrano, manager ng cockpit na si Dave Dorado, at iba pang mga tauhan ng sabungan at mga mananaya.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong illegal gambling at paglabag sa Republic Act 9287 o Animal Welfare Act of 1998. (NILOU DEL CARMEN)
