5 CAFGU PATAY SA AMBUSH NG ‘BICOLANO NPA’ SA QUEZON

QUEZON – Limang miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ang namatay habang dalawang sundalo ang nasugatan nang tambangan ng mga rebeldeng kasapi ng Bicol Regional Party Committee of the Communist Party of the Philippines/New People’s Army (CPP/NPA) ang nagpapatrolyang mga tauhan ng 85th IB ng Army at CAFGU sa Sitio Pag-Asa, Brgy.

Mapulot, malapit sa boundary ng bayan ng Tagkawayan, Quezon at Labo, Camarines Norte, dakong alas-7:00 ng umaga nitong Biyernes.

Ayon sa inisyal na report ng Quezon Police Provincial Office, base sa opisyal ng Army detachment, nagsasagawa ng regular na pagpapatrulya ang dalawang tropa na nakatalaga sa patrol base ng 85th IB ng Army sa Barangay Mapulot, nang matapakan ng isa sa mga miyembro ng CAFGU ang isang explosive device na itinanim ng mga rebelde na sinundan ng malakas na pagsabog.

Ayon kay Colonel Ledon Monte, provincial director ng Quezon police, direktang nahagip ng pagsabog ang grupo na agad ikinamatay ng limang CAFGU members.

Sa nakalipas na dekada, ang mga pananambang ng mga rebelde sa tropa ng pamahalaan sa Southern part ng Quezon ay sinusuportahan ng Bicol-based rebels mula sa mga border.

Ang Quezon ay kinapapalooban ng boundaries sa lalawigan ng Camarines Sur, Camarines Norte at Masbate kaya nagagawang sumaklolo ng Bicolano NPA rebels sa kanilang mga kasamahan sa mga bayan sa Southern Quezon kapag kinailangan.

“Ang lugar ay ino-operate ng mga rebeldeng NPA mula sa Bicol region at hindi mula sa Quezon,” ayon kay Monte.

Ayon naman sa Tagkawayan police, hindi pa napapasok ng kanilang mga imbestigador ang lugar at naghihintay pa sila sa go signal ng military na kasalukuyan pang nagsasagawa ng hot pursuit operation sa tumakas na mga rebelde.

Samantala, sa isang text message, kinumpirma ng Southern Luzon Command sa pamamagitan ng kanilang CMO chief at PIO na si Colonel Dennis Caña, ang pagkamatay ng 5 biktima.

Matatandaang idineklara ang Quezon na insurgency-free province nitong nakalipas na Hunyo 12, kasabay ng selebrasyon ng 125th Philippine Independence Day nang pangunahan ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan ang province-wide declaration ng Stable Internal Peace and Security (SIPS).

Kasunod ng pagtutulungan ng mga militar, pulisya, local government units, national government agencies at civic groups, magkakasunod idineklarang insurgency-free ang tatlumpu’t siyam na munisipalidad at dalawang siyudad ng lalawigan.

(NILOU DEL CARMEN/JESSE KABEL)

359

Related posts

Leave a Comment