5 MANGINGISDA NAWALA SA LAOT

INIULAT ng Philippine Coast Guard (PCG) na limang mangingisda mula sa Quezon at Oriental Mindoro province ang umano’y nawawala.

Nagsagawa na ng search and rescue operation ang PCG-District Southern Tagalog (PCG-DST) para kina Reneboy Alva at Jovinal Gamitin, kapwa residente ng Barangay Caridad Ilaya sa Atimonan, Quezon.

Sakay umano ang dalawa ng bangka at nawala simula pa noong Biyernes, Nobyembre 24 ng gabi habang mangingisda sa bisinidad ng Isla ng Jomalig sakop ng Pacific Ocean.

Iniulat din ng PCG-DST na ang mangingisdang si Sanny Frias ay nawala rin noong Sabado, Nobyembre 25 habang mangingisda sa bahagi ng coastal town ng Pinamalayan sa Oriental Mindoro.

Sa bayan ng Gloria sa Oriental Mindoro, pinaghahanap din ang mangingisda na si Joseph Halos makaraang hindi makauwi ng kanilang bahay noong Biyernes nang maglayag upang mangisda sa baybayin ng Barangay Tambong.

Noong Nobyembre 18, ang mangingisdang si Ritzie Yap ay hindi rin nakabalik ng kanilang tauhan nang pumalaot at mangisda sa bayan ng Roxas.

(JOCELYEN DOMENDEN)

173

Related posts

Leave a Comment