5 TIMBOG SA BDO HACKING

HINDI nakapalag ang limang indibidwal, kabilang ang dalawang Nigerian national, umano’y mga miyembro ng “Mark Nagoyo heist group” na pinaniniwalaang nasa likod ng hacking ng 700 depositors ng Banco de Oro, nang bitbitin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI)

Kinilala ni NBI Officer-In-Charge Director Eric Distor ang mga suspek na sina Ifesinachi Fountain Anaekwe alyas Daddy Champ, Chukwuemeka Peter Nwadi, Jherom Anthony Taupa, Ronelyn Panaligan at Clay Revillosa.

Batay sa ulat ng NBI-Cybercrime Division, Enero 18 pa nang dakpin sa isang operasyon ang dalawang Nigerian nationals nn sina Anaekwe at Nwadi, batay sa timbre ng isang impormanteng ayon pa sa NBI ay kusang loob na dumulog sa kanilang tanggapan para isiwalat ang lahat ng kanyang nalalaman sa grupong nang-hack at nagnakaw ng milyon-milyong pisong halaga ng BDO deposits nitong nakaraang Disyembre.

Pagtatapat ng impormante, nakapasok siya sa nasabing grupo, bagay na kanyang ginamit para muling makipag-ugnayan sa sindikato – na kalaunan ay humantong sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Dito na pumasok, ayon sa NBI, ang isang Mark Froilan na kinontak ng impormante. Si Froilan naman umano ang kumontak kay Champ na nagbigay ng tatlong magkakaibang BDO accounts sa impormanteng magiging tagasalo ng P30 milyon mula sa na-hack na saving accounts ng mga biktima.

Samantala, timbog din ang isang Jerome Anthony Taupa sa buy-bust operation sa Floridablanca, Pampanga dahil sa pagbebenta ng “scampage” o phishing website.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng kawanihan, lumalabas na si Taupa na pala ang utak ng nasabing sindikato.

Sumunod namang nadakip sa magkahiwalay na operasyon sina Panaligan at Revillosa na kapwa sangkot din sa BDO hacking bilang web developer at downloader. (RENE CRISOSTOMO)

Related posts

Leave a Comment