50 PAMILYA NA-TRAP NG BAHA SA QUEZON

TINATAYANG 50 pamilya na binubuo ng mahigit 150 indibidwal, ang na-trap sa isang sityo sa Brgy. Manggalang Bantilan, sa bayan ng Sariaya sa lalawigan ng Quezon, matapos na maanod ng baha ang kanilang tanging daanan na isang hanging bridge, sa kasagsagan ng paghagupit ng Bagyong Paeng.

Ayon sa isang residente ng Sityo Sinturisan na si Rodel Triviño, dakong alas-4:00 noong Sabado ng hapon nang bumigay ang 30 metrong habang hanging bridge dahil sa lakas ng agos ng tubig-baha na sumalpok dito.

Sa huling text message na naipadala nito, binaha rin ang loob ng kanilang sityo na umabot sa mga kabahayan at patuloy na kinakain ng ilog ang lupa sa lugar.

Naputol na rin ang power supply matapos tangayin din ng baha ang poste ng kuryente nang mabakbak ang lupa.

Ubos na rin umano ang kanilang mga pagkain sa loob ng sityo.

Hindi naman makatawid ang mga ito dahil napakalakas pa rin ng agos ng tubig at hindi rin kakayanin kung gumamit man ng bangka. (NILOU DEL CARMEN)

15

Related posts

Leave a Comment