INAPRUBAHAN na sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na bawasan ng kalahati ang service fees na binabayaran ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa pamamagitan ng viva voce voting, nanaig ang aye o yes vote sa House Bill (HB) 10959 at inaasahan na pagtitibayin na ito sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na linggo kung saan magkakaroon ng nominal voting.
Ginawa ang batas para proteksyunan ang mga OFWs na pinagkakakitaan umano ng mga financial institutions dahil sa napakataas na remittances fees na sinisingil sa mga ito kapag nagpapadala sila ng pera sa mga naiwang pamilya sa Pilipinas.
Lumabas sa pagdinig ng Kamara na US$3.2 Billion o P166.4 Billion ang kinikita ng mga remittances centers sa mga OFWs taun-taon lalo na noong 2019 dahil sa mataas na singil ng mga ito ng remittances fees sa mga OFWs.
Ito ay dahil sa bawat dolyares na ipinadadala ng mga OFWs ay sinisingil ng mga remittances centers ang mga ito ng 6% hanggang 7% bilang service fees pinababawasan ito ng kalahati upang mas malaki ang matatanggap ng mga kaanak ng mga bagong bayani.
“(The centers) may claim the discounts granted as tax deductions based on the cost of services rendered to OFWs to be treated as ordinary and necessary expense deductible from their gross income,” ayon sa panukala upang hindi naman umano maapektuhan ang mga remittances centers.
Bukod dito, dadaan sa mandatory financial literacy training seminars ang mga OFWs bago sila ideploy sa ibang bansa upang maturuan ang mga ito kung paano gamitin ang kanilang pinaghirapang pera sa ibang bansa.
Isinabay ang nasabing probisyon sa panukala dahil marami umano sa mga OFWs ang hindi alam kung paano ginagamit ang kanilang pera kaya kapag tumigil na ang mga ito sa pangingibang bansa ay naghihirap na ang karamihan sa mga ito.
Isasabay financial training seminars sa Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) para sa mga OFWs na paalis ng bansa at Post Arrival Training Seminars (PATS). (BERNARD TAGUINOD)
69