LUNGSOD NG MALOLOS – Sa patuloy na implementasyon ng Oplan Kalikasan, 50 ilegal na mga troso ng narra ang nasabat sa Lalawigan ng Bulacan matapos ang buy-bust operation na isinagawa ng Criminal Investigation and Detection – Group Regional Field Unit 3 (CIDG-RFU3) kasama ang Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO), Bulacan Police Provincial Office (BPPO), Pandi Municipal Police Station, at City Environmental and Natural Resources (CENRO) sa Matiaga St., San Roque, Pandi, Bulacan noong Martes, Pebrero 14, 2023.
Dalawang suspek ang inaresto na kinilala ni Col. Relly Arnedo, director ng Bulacan Police Provincial Office (PPO), na sina Jess Pascua Vidal, 27, at Joey Ariola Angoluan, 40-anyos.
Ayon kay Atty. Julius Degala, hepe ng BENRO, 43 piraso ng 1x10x6 pulgada at pitong piraso ng 1x10x7 pulgada ng mga troso na narra ang kinumpiska na may tinatayang market value na P45,000, kasama ang isang Mitsubishi FB na isinuko sa CENRO. (ELOISA SILVERIO)
