NABUKING ang 500 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na itinago ng 19-anyos na binata sa ukay-ukay na mga damit na ipadadala sa pamamagitan ng isang delivery service sa Quezon City, noong Lunes ng umaga.
Ang suspek ay kinilalang si Clachy John Balansag De Quiroz, 19, naninirahan sa San Juan City.
Ayon sa report ng Quezon City Police District (QCPD, Batasan Police Station (PS-6), bandang alas-8:35 ng umaga noong Setyembre 12 nang maaresto ang supek sa JRS Express sa loob ng Robinson Berkely sa Commonwealth, Brgy. Matandang Balara, sa lungsod.
Ayon kay Jessa A. Betagan ng JRS Express, habang iniinspeksyon niya ang bagahe na ipadadala ng suspek ay nakita niya ang nakasiksik na marijuana sa mga damit na ukay-ukay.
Pasimpleng umalis si Betagan at ini-report sa kanilang mga security guard ang kanyang nakita dahilan upang arestuhin ang papatakas na sanang suspek.
Agad dinala sa PS-6 ang suspek na nakumpiskahan ng 500 gramo ng marijuana na tinatayang na P60,000 ang halaga.
Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (LILY REYES)
