NAKAALERTO ang mga tauhan Office of Civil Defense matapos na umabot na sa lagpas-tao ang baha sa ilang bahagi ng Northern Samar, nitong Martes, bunsod ng halos walang tigil na pag-ulan na dala ng shear line na nakakaapekto sa Visayas.
Umabot na sa 57,606 katao at patuloy na madagdagan pa ang bilang ng mga apektado ng masamang panahon dala ng low pressure area at shearline sa Eastern Visayas.
Sinasabing may mga residenteng walang bangka ang lumangoy na lang para makatawid papunta sa mas mataas na bahay o lugar.
Ayon sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 14,775 pamilya ang apektado ng masamang panahon.
Galing ang mga ito sa Samar, Northern Samar, Eastern Samar, Southern Leyte at Biliran.
Sa naturang bilang, 193 indibidwal o katumbas ng 45 pamilya ang nasa evacuation centers na habang ang iba ay nagsilikas sa kanilang mga kaanak.
Samantala, sinabi rin ng NDRRMC na 103 na barangay sa nasabing mga lugar ang labis na nakaranas ng masamang panahon.
Sa Barangay Cagugubngan sa bayan ng Catubig, halos abutin na ng baha ang ikalawang palapag ng mga bahay.
Humingi naman ng saklolo ang ilang residente sa bayan ng Catarman dahil lagpas bubong na rin ang baha.
Lumagpas ng bubong ng kanilang bahay ang baha kaya lumikas sila sa kapitbahay nila na mataas ang bahay. Nababahala sila dahil patuloy ang pagbuhos ng ulan kung kaya patuloy pa rin ang pagtaas ng baha.
(JESSE KABEL RUIZ)
274