SIYAM na indibidwal, kabilang ang anim na Chinese nationals at tatlong Pilipino ang kinidnap ng hindi kilalang mga suspek sa Ayala Alabang Village, Muntinlupa City noong lunes ng madaling araw.
Pagkaraan ay pinakawalan ng mga kidnapper ang tatlong Pilipino na sina Henry Catapat, Marian Arambulo at Jhon Ray Catapat sa Brgy. Limao, Calauan, Laguna subalit tangay pa rin ang 6 na dayuhan kabilang ang Chinese employer ng mga biktima na si Ceng Chi Liang.
Batay sa report ng Calauan Police, nasa bahay ng kanilang employer sa Sampaca Street, Ayala Alabang Village, Muntinlupa City ang walong empleyado, na kinabibilangan ng tatlong Pilipino at limang Chinese, nang pasukin ang mga ito ng anim na armadong lalaki dakong alas-4:00 ng madaling araw.
Tinutukan ng baril at piniringan ang mga biktima at saka isinakay sa isang naghihintay na Hi-Ace Commuter van.
Matapos ang mahaba at paikot-ikot na paglalakbay, pinakawalan ng mga kidnapper ang tatlong Pilipino sa Calauan, Laguna dakong alas-3:00 ng hapon, matapos na pagbilinan na huwag magsusumbong sa mga awtoridad.
Mabilis na umalis ang mga suspek tangay ang mga Chinese victim patungo sa direksyon ng bayan ng Bay sa Laguna.
Na-rescue naman ng barangay officials ang tatlo na ipinagbigay-alam sa pulisya ang insidente.
Nakipag-coordinate kaagad ang Calauan Police sa Muntinlupa City Police para sa imbestigasyon sa pangyayari.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang nagmamay-ari ng sasakyang ginamit ng mga ito.
(NILOU DEL CARMEN)
323