ANIM pa umanong ‘persons of interest’ sa hazing na nagresulta sa pagkamatay ng chemical engineering student na si John Matthew Salilig, ang nagbabalak na sumuko, ayon sa ulat ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
“Yun ang balita namin, may anim pa na gustong sumuko sa hazing cases,” saad ni Remulla sa panayam ng mga mamamahayag.
Tiniyak ni Remulla na maayos na pinamamahalaan ng mga prosecutor ng gobyerno ang imbestigasyon sa kaso hanggang sa mapanagot ang lahat ng mga taong may kaugnayan sa pagkamatay ni Salilig, isang chemical engineering student ng Adamson University.
“I’m sure our people here are on top of it. I got a report yesterday that there are more witnesses who wanted to surface and give ah, clarify their involvement or non-involvement in the hazing cases,” paglilinaw ni Remulla.
Matatandaang natagpuan ang bangkay ni Salilig noong Pebrero 18 sa isang mababaw na hukay sa Brgy. Malagasang sa Imus City, Cavite.
Ito ay makaraang mamatay ang biktima matapos ang “welcome rites” na ibinigay sa kanya ng mga kapwa miyembro ng Tau Gamma Phi.
Anim nang miyembro ng Tau Gamma Phi ang unang nasampahan ng kaso habang pinaghahanap pa ang iba.
Unang sumuko sa Manila Police District (MPD) sina Earl Anthony Romero, alyas “Slaughter”, kasunod sina Tung Cheng Teng, alyas “Nike”, at Jerome Balot, alyas “Allie”.
Sumuko naman sa Biñan City Police sina Sandro Victorino, alyas “Loki,” Micahel Lambert Ritalde, at Mark Pedrosa, alyas “Macoy”, pawang mga miyembro ng Biñan Chapter ng Tau Gamma Phi. (RENE CRISOSTOMO)
