6 PATAY SA KAMBAL NA MOTORCYCLE ACCIDENT

PATAY ang tatlong magkakaangkas sa motorsiklo nang makasalpukan ang isang pampasaherong bus sa Quirino Highway, Barangay San Diego, Tagkawayan, Quezon noong Martes ng gabi.

Kinilala ang isa sa mga namatay ang driver sa motorsiklo na si Dennis Rendiza Cambel na agad namatay sa crash site.

Hindi pa nakikilala ang dalawang kaangkas nito na binawian din ng buhay matapos maisugod sa Ma. Lourdes Eleazar General Hospital.

Ayon sa report ng Tagkawayan Police, magkasalubong na tumatakbo ang motorsiklo at Elavil bus na minamaneho ng 49-anyos na si Gilberto Santos nang magkasalpukan ang dalawang sasakyan mag-aalas-11:00 ng gabi.

Sa lakas ng pagkasalpok, napailalim sa hulihan ng bus ang driver at ang naputol na hulihang bahagi ng motorsiklo.

Inaresto ng mga awtoridad ang driver ng bus na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at damage to properties.

Samantala, sa lalawigan ng Cavite, kapwa namatay ang rider ng isang motorsiklo at isang lalaki na nabundol nito, habang sumalpok naman sa isang bakal na arko ang isa pang rider at tumilapon ang katawan sa kalsada sa magkahiwalay na insidente noong Martes ng hapon.

Kinilala ang mga biktimang sina alyas “Cyril”, “Jose”, 56, at “John”, pawang idineklarang patay dahil sa pinsala sa ulo.

Ayon sa ulat, minamaneho ni Cyril ang kanyang Honda Airblade at binabagtas ang kahabaan ng Aguinaldo Highway patungo sa direksyon ng Tagaytay.

Ngunit pagsapit sa harapan ng Villa Celina Subd., Brgy. Bayan Luma 7, Imus City nang nabundol nito si Jose dakong alas-7:55 ng umaga.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon mula sa motorsiklo ang suspek habang nakaladkad naman ang biktima.

Kapwa isinugod ang dalawa sa magkahiwalay na ospital ngunit kapwa binawian ng buhay.

Sa kabilang dako, minamaneho naman ni John ang kanyang motorsiklong Yamaha R15 at binabagtas ang Brgy. Agus OS, Indang, Cavite patungo sa direksyon ng Naic, Cavite dakong alas-6:15 ng hapon.

Ngunit pagsapit sa Brgy. Agus OS at Calumpang Lejos Road nang bumangga ito sa bakal na arko dahilan upang tumilapon ang katawan nito.

(NILOU DEL CARMEN/SIGFRED ADSUARA)

71

Related posts

Leave a Comment