6 PULIS, 4 SIBILYAN SUSPEK SA ROBBERY SA CAVITE

CAVITE – Tatlo ang arestado habang pito pa ang pinaghahanap ng Cavite Police, kabilang sa mga ito ang tatlong pulis na dinismis, tatlo ang aktibo sa serbisyo, at apat na sibilyan kasama ang umano’y isang councilor mula sa Samar, na itinurong suspek sa robbery incident sa Gen. Trias City, sa lalawigang ito noong Oktubre 18.

Kinilala ang naarestong mga suspek na sina P/SSgt. Franklin Requimin Menor (dismissed); Pat. John Carlo Tabuna Machon (AWOL, dismissed) at P/Lt. Reynaldo Afable y Alcantara (active).

Si Menor ay naaresto sa follow-up operation sa Fairview, Quezon City noong Oktubre 20, at nakuha sa kanya ang isang kalibre .45 na baril at isang standard magazine na may 10 bala, habang noong Oktubre 19 nang maaresto si Machon sa Novaliches, Quezon City at narekober sa kanya ang isang kalibre 9mm pistol na may 9 na bala na pag-aari ng biktimang si Santos, at 29 piraso ng samu’t saring alahas na nagkakahalaga ng P596,000.

Habang sa loob naman ng tanggapan ng Intelligence Section ng Gen. Trias CPS naaresto si Afable noong Oktubre 22 at narekober sa kanya ang isang Glock 17 Gen4 na may tatlong magazine at 45 na bala.

Bago ang pagkakaaresto kay Afable, sinabi niyang gagamit siya ng comfort room subalit habang nasa loob ay nagtangka itong magpakamatay sa pamamagitan ng pagsaksak ng gunting sa leeg. Agad siyang isinugod sa Divine Grace Medical Center at nasa mabuti nang kalagayan.

Ayon sa ulat, noong gabi ng Oktubre 18, 2022 nang makatanggap ng tawag ang San Francisco Community Police Assistance Center ng Gen. Trias City Police hinggil sa umano’y naganap sa robbery incident sa isang bahay sa Brgy. San Francisco, Gen. Trias City, Cavite.

Ayon sa mga biktima na sina Abner Santos y Osian at Josie Santos y Billano, nasa 2nd floor sila ng kanilang bahay nang mapansin nila ang isang puting van na may plakang NFW 4792, na pumarada sa harapan ng kanilang bahay, bumaba ang anim na armadong suspek at pumasok sa loob.

Iginapos ng mga suspek ang kamay at piniringan ang mata ng mga biktima saka tinangay ang ‘di pa nabatid na halaga ng alahas, at isang kalibre 9mm mula sa vault saka tumakas sakay sa nasabi ring sasakyan.

Agad namang ipinag-utos ni P/Lt. Col. Jose Naparato, OIC, ng Gen. Trias CPS, ang hot pursuit operation sa mga suspek at koordinasyon sa iba’t ibang police station para sa dragnet operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlo.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, nabatid na sampu ang suspek sa nangyaring nakawan kabilang ang tatlong dinismis na PNP personnel, tatlong aktibo sa serbisyo, at apat na sibilyan kasama umano ang isang councilor mula sa Samar.

Kasong robbery ang isinampa laban sa mga suspek hang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon at tinutugis ang pitong iba pa. (SIGFRED ADSUARA)

12

Related posts

Leave a Comment