6 REBELDE NALAGAS SA ENGKWENTRO SA NEG OR

NEGROS ORIENTAL – Anim na hinihinalang mga miyembro ng rebeldeng grupong New People’s Army ang namatay nang sumiklab ang panibagong bakbakan sa pagitan NPA at mga tauhan ng Philippine Army sa Brgy. Tabugon, Kabankalan City sa lalawigang ito, noong Huwebes ng gabi.

Ayon sa report ng 302nd Infantry Brigade na nakabase sa Tanjay City, Negros Oriental na nasa ilalim ng 3rd Infantry Division ng Army, bandang alas-7:30 ng gabi nang magsimula ang putukan na tumagal ng 15 minuto.

Nasabat ng nagpapatrolyang mga tropa 47th IB ng Philippine Army na nakabase sa katabing bayan ng Mabinay, ang grupo na sakay ng isang tricycle at nagsimula ang putukan.

Matapos ang labanan, nagsagawa ng clearing operation ang militar at tumambad sa kanila ang anim na bangkay ng hinihinalang mga rebelde. Kabilang dito ang apat na lalaki at dalawang babae.

Nakita ang bangkay ng lima sa gitna ng tubuhan samantalang naiwan ang isa na nakahandusay sa daan.

Mula Huwebes ng gabi ay pansamantalang isinara muna sa motorista ang kalsada hanggang sa makuha ang mga bangkay dakong alas-8:00 ng umaga nitong Biyernes at dinala sa isang punerarya.

Narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang limang baril, isang granada at iba pang gamit ng mga namatay.

Samantala, ayon sa mga residente, ito ang unang muling engkwentro sa pagitan ng hinihinalang mga rebelde at military sa Kabankalan matapos ang ilang taong katahimikan.

Ang 3rd ID ng Philippine Army ang siyang nakatalaga sa Western Visayas Region na sumasakop sa buong Panay at Negros Island at mga probinsya ng Negros Oriental, Negros Occidental, Aklan, Antique, Capiz at Iloilo.

(NILOU DEL CARMEN)

75

Related posts

Leave a Comment