6 SANGKOT SA PAGKAMATAY NG ESTUDYANTE NG ADAMSON HAWAK NA NG PULISYA

NASA kamay na ng pulisya ang anim sa umano’y 18 sangkot sa hazing na ikinamatay ng Adamson University student na si John Matthew Salilig.

Ikinustodiya ng Biñan City Police ang anim matapos  na positibong ituro ang mga ito at ireklamo ng isa ring biktima ng hazing na si Roi Osmond Dela Cruz, 22, 1st year Political Science student ng Adamson University at residente ng Tondo, Manila.

Batay sa report ng Biñan City Police, si Dela Cruz ay isa sa apat na sumailalim sa hazing noong Pebrero 17 sa isang bahay Barangay Casile, Biñan City, kasama ni Salilig  na siyang namatay dahil sa insidente, at ang dalawa pang biktima ay sina alias “Lee” at alias “Bin Laden”.

Boluntaryong nagtungo ang 6 sa Biñan City Police Station kung saan tuluyan nang inaresto dakong alas-11:00 ng gabi noong Miyerkoles.

Kinilala ang anim na sina Mark Pedrosa alyas Macoy, 39, siyang may-ari ng bahay sa Barangay Casile, Biñan City kung saan isinagawa ang hazing; mga estudyanteng sina Earl Anthony Romero, 21; Kim Patrick Benitez /Tung Cheng Teng Jr., alyas “Nike”, 22; Jerome Balot, 22, at Sandro Victorino, 28; pawang mga miyembro ng Tau Gamma Phi Adamson University Chapter.

Kasama rin ang isang Michael Lambert Ritalde, 33, tattoo artist, at Tau Gamma Phi Biñan community chapter member.

Ayon pa sa imbestigasyon, si Victorino ang nag-arrange para maisagawa ang hazing sa bahay ni Pedroza habang si Benitez o Teng Jr. alyas “Nike” ang siyang tumatayong pinaka-leader ng grupo.

Inihahanda na ang kasong 2 counts ng paglabag sa RA 8049 as amended by RA 11053 o Anti Hazing Law laban sa mga suspek na nakatakdang isampa sa Department of Justice sa Padre Faura, Manila. (NILOU DEL CARMEN)

224

Related posts

Leave a Comment