RIZAL – Arestado ang anim kataong pinaniniwalaang mga miyembro ng sindikato sa likod ng lantarang bentahan ng ilegal na droga sa magkakahiwalay ng operasyon sa lalawigang ito.
Nasamsam sa nasabing anti-illegal drug operations ang mahigit isang kilong shabu sa ng mga suspek na kinilalang sina Mark Paul Gerico Regaspi, Christopher Francisco, Jonjon Payongayong, Jomby Aranella, Sandra Monares at Carla Villareal.
Ayon sa ulat ni Rizal Provincial Police chief, Col. Dominic Baccay, unang nadakip ng Provincial Intelligence Unit – Provincial Drug Enforcement Unit (PIU-PDEU), sina Regaspi at Francisco na nakuhanan ng 135 gramo ng shabu na P918,000 ang halaga sa Barangay San Juan, bayan ng Taytay.
Sumunod namang nadakma sa Barangay Maly ng bayan ng San Mateo sina Payongayong, Aranella at Monares na nakunan ng mga operatiba ng drogang may katumbas na halagang P43,000, at isang kalibre .38 baril.
Nadakip din ang isang Carla Villareal na nabilhan diumano ng mga operatiba ng P68,000 halaga ng shabu sa isang buy-bust operation sa bayan ng Cainta.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek na nakapiit na sa iba’t ibang local custodial facilities sa naturang lalawigan. (ENOCK ECHAGUE)
186