64 iba pang pagpatay sisilipin DEGAMO ASSASSINATION PARANG PELIKULA LANG

PARANG pelikula kung ilarawan ng dalawang Kalihim ang kwento sa likod ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo — mula sa pagpaplano hanggang sa pagsasagawa ng pamamaslang.
Kasabay ng isang pulong-balitaan, sabayang inihayag nina Sec. Benhur Abalos ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Sec. Crispin Remulla ng Department of Justice (DOJ) ang pagkakakilanlan ng anila’y isa pa sa mga itinuturing na utak sa likod ng Degamo slay.

Kinilala ang suspek sa pangalang Marvin Miranda, isang military reservist na nagsilbing chief security ni suspended Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves Jr. sa loob ng mahabang panahon.

Si Miranda, ayon kay Abalos, ay dinakip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine National Police (PNP) Mayabay, Barbaza, Antique.

Para naman kay Remulla, malaking bentahe ang pagkakaaresto kay Miranda na aniya’y tumatayong ‘casting director’ at ‘propsman’ habang si Teves naman di umano ang ‘executive producer’ ng mala-pelikulang pagpaplano sa pagpatay sa gobernador.

Paliwanag ng DOJ chief, si Miranda ang kumukuha ng mga gumaganap sa mga ipinag-uutos ni Teves, gayundin ang pagsusupply ng mga armas na kailangan para isagawa ang planong pagpatay.
Sa kabuuan, mayroon na anilang 12 aktor o major players na hawak ang gobyerno kaugnay ng Degamo slay case.

Samantala, inihayag ni Atty. Levito Baligod na tumatayong abogado ng pamilya Degamo, may anim pang aktibong pulis ang target ng imbestigasyon.

Aniya, ang mga naturang pulis di umano ang nagsilbing spotters ng liquidation squad.

Hindi naman malinaw kung kasama ang mga police escorts (na sabay-sabay hindi sumipot sa araw ng insidente) sa tinutukoy ng abogado.

Bukod pa rito, meron pa aniyang mga nagpahayag ng kahandaan magbigay ng testimonya hinggil sa 64 iba pang insidente ng pamamaslang na naganap sa naturang lalawigan.

Gayunpaman, nilinaw ni Remulla na kailangan idaan sa tamang proseso ang pag-usad ng kaso, partikular sa aspeto ng paghahain ng mandamiento de arresto laban kay Teves. (JESSE KABEL RUIZ)

140

Related posts

Leave a Comment