78 NAOSPITAL SA DIARRHEA SA NEGROS OCCIDENTAL

NAALARMA ang local government unit ng San Carlos City sa Negros Occidental sa pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng diarrhea sa lungsod.

Hanggang noong Pebrero 22, nakapagtala ang City Health Office ng kabuuang 118 na kaso.

Mula sa nasabing bilang, 78 ang na-admit sa ospital ng lungsod matapos makaranas  ng bahagya hanggang sa malalang mga sintomas.

Nasa 50 ang mga batang nabiktima habang 28 matatanda, ayon sa CHD.

Sinabi ni City Health Officer Dr. Arnel Portuguez, nagsimula ang mga kaso noong nakaraang linggo na nakaapekto sa karamihan sa mga batang mag-aaral mula sa isang pampublikong paaralan sa Barangay Bulungan habang ang iba pang mga pasyente ay mula sa iba’t ibang barangay.

Ayon pa dito, lumabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na ang tumama sa mga pasyente ay amoeba diarrhea, at posibleng sanhi ang kontaminadong pagkain o tubig.

Sinabi pa ni Portuguez, hinala nila na ang kontaminasyon ay nagmula sa mga pagkain na ibinebenta sa labas ng paaralan, maruming pinagkukunan ng tubig mula sa mga bukal at sa mga deep well na source ng tubig ng ilang barangay.

Ang mga tauhan ng city health office ng lungsod ay umiikot sa komunidad upang magbigay ng oral rehydration para sa mga may hindi masyadong malalang mga kaso.

Pinaalalahanan din ang mga residente na tiyakin ang kaligtasan ng mga pinagmumulan ng tubig at pakuluan ito bago inumin.

Pinayuhan din ng CHO ang mga opisyal ng paaralan na magbigay lamang ng ligtas at masustansyang pagkain sa mga canteen ng paaralan.

Gayunpaman, ayon sa LGU, kontrolado na nila ang mga kaso. (NILOU DEL CARMEN)

151

Related posts

Leave a Comment