8 SUSPEK TIMBOG SA IKINASANG SACLEO

NADAKIP ang walo katao sa ikinasang operasyon ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Manila Police District – Sta Ana Police Station, at SDEU ng Malate Police Station noong Lunes ng gabi hanggang nitong Martes ng madaling araw.

Bandang 10:00 ng gabi noong Lunes, sa pangunguna ni Police Lieutenant Josephus Melpaz, tatlong lalaki ang nabitag sa buy-bust operation sa Crisolita St. malapit sa Sagrada Pamilya Street, San Andres Bukid.

Kinilala ang mga arestado na sina Allan Flores, target ng operasyon; Sonny Boy, 28, at Mark Kenneth , 32, pawang mga residente ng San Andres Bukid.

Apat na plastic sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang dalawang gramo, ang nakumpiska kay Flores.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Orlando Mirando Jr., commander ng Sta. Ana Police Station, bahagi ng pinaiiral na Simultaneous Anti- Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ang nasabing operasyon.

Dakong alas-2:30 madaling araw nitong Martes nang matimbog ng mga tauhan ng SDEU ng Malate Police Station ang tatlong suspek na sina alias “Arlene”, 42; alias “Cristina”, 47, at alias “Virginia, 38, pawang residente ng Malate, Manila.

Nakumpiska sa mga ito ang limang plastic sachet ng umano’y shabu at P500 marked money.

Kasunod nito, naispatan naman ng mga awtoridad ang nag-uumpukang kalalakihan sa Arellano Avenue at Zobel Roxas St. sa Malate at naaktuhang nagsusugal ang mga ito ng cara y cruz na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang sugarol. (RENE CRISOSTOMO)

43

Related posts

Leave a Comment