80 LALAWIGAN MALARIA-FREE NA

UMABOT sa 80 mula sa 81 lalawigan ang iniulat na malaria-free, at tanging ang Palawan na lamang ang natukoy na may mga kaso ng malaria sa nakalipas na ilang taon.

Ayon kay Department of Health Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire nitong Martes, karamihan sa mga lalawigan ay nagdeklara na bilang malaria-free simula noong 1995, kasama ang Cebu, Bohol at Catanduanes na na-tag bilang “malaria-free historically.”

Taong 2022 naman nang ideklarang malaria-free ang Oriental Mindoro, Rizal, Aurora, at Cotabato.

Paliwanag ni Vergeire, ang criteria na malaria-free na ang mga probinsya ay kung wala nang local transmission ng malaria sa nagdaang limang taon.

Aniya, nakikipag-ugnayan na ang nasabing sangay ng gobyerno sa lalawigan ng Palawan at ang pribadong sektor upang maging ang Palawan ay maging malaria-free na.

Nabatid sa ulat ng World Health Organization (WHO), ang malaria ay isang “life-threatening disease” dulot ng parasites na naisasalin sa tao sa pamamagitan ng mga kagat ng infected female Anopheles mosquitoes.

Hindi bababa sa 247 milyong kaso ng malaria sa buong mundo ang naitala noong 2021. Mula sa nasabing bilang ay 619,000 biktima ang namatay mula sa nasabing sakit. (RENE CRISOSTOMO)

42

Related posts

Leave a Comment