9 ARESTADO SA MGA BARIL SA ANGONO

RIZAL – Arestado ang siyam katao sa reklamong panggugulo at masamsam sa mga ito ang iba’t ibang klase ng armas sa Purok-2, Lower Sakura, Brgy. Mahabang Parang sa bayan ng Angono sa lalawigang ito

Ayon sa ulat ni Rizal PNP Provincial Director P/Col. Dominic Baccay kay Calabarzon-4A Regional Director P/BGen. Jose Melencio Nartatez Jr., kinilala ang mga nadakip na sina Marvin Manlonongan Perez, Jerry Manlonongan, Reneboy Regala, Russel Gamilde, Reynaldo Regala, Randy Delfina, Noel Salan , Allan Pagdanganan at Ramon Silvestre.

Napag-alaman, dakong alas-9:00 ng gabi noong Setyembre 4, inireklamo ang mga suspek ng isang residente dahil sa panggugulo at ingay na nakabubulahaw sa mga naninirahan sa lugar.

Agad nagresponde ang mga tauhan ng Angono PNP na nagpapatrolya malapit sa lugar at inaresto ang mga suspek na nakumpiskahan ng isang shotgun, caliber .45, magazine, 9mm pistol, mga bala, itak, at kutsilyo.

Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong alarm scandal, grave threat, paglabag sa BP-6, at illegal possession of firearms and ammunition. (ENOCK ECHAGUE)

82

Related posts

Leave a Comment