9 ILLEGAL MINERS ARESTADO SA BULACAN

SIYAM na ilegal na mga minero ang naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO), Marilao Police Station at 4th Maneuver Platoon, 1st Provincial Mobile Force Company, matapos silang maaktuhan na ilegal na nagmimina ng ‘escombro’ sa Sitio Batia, Brgy. Lambakin, Marilao kamakailan.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, kinilala ang mga arestado na sina Victor Sta. Rosa, may-ari at operator ng quarry, mga tauhan na sina Virgilio Cabucoy, Jesus Cabucoy, Pelagio Cuervo, William Lorenzo, William Jocson, Melchor Carida, Jerry Abunda at Jun Pasios.

Ayon kay Atty. Julius Victor Degala, hepe ng BENRO, walang maipakitang kaukulang permit o dokumento ang mga suspek kaugnay ng kanilang isinasagawang pagmimina kaya naman agad silang inaresto.

Tinatayang nasa 470.5 cubic meters ng escombro ang nakuha mula sa mga minero na nagkakahalaga ng P16,762, kasama ang mga manu-manong gamit sa pagmimina gaya ng 100 piraso ng sinsil, apat na pala, tatlong bareta, tatlong palakol, at isang maso na gagamiting ebidensya laban sa kanila.

Samantala, binigyang diin naman ni Gov. Daniel Fernando ang kagustuhang tuluyang mawakasan ang illegal quarrying sa lalawigan at muling nilinaw ang layunin ng Executive Order No. 21-2022.

“Wala pong sasantuhin ang Pamahalaang Panlalawigan at tinitiyak ko, kasama ng pinuno ng BENRO na si Atty. Juvic Degala, na lahat ng magsasagawa ng ilegal na quarrying ay mananagot sa batas lalo na at hindi pa naman nali-lift ang Executive Order No. 21. Kaya po ang inyong lingkod ay nakikiusap na tumalima po tayo sa kautusang ito pati na ang ibang environmental laws at itigil na ang mga makasarili at ilegal na gawain. Asahan niyo rin po na mas paiigtingin pa namin ang mga operasyong ito para tuluyang mawakasan ang ilegal na gawaing ito,” pahayag ng gobernador.

Haharapin ng mga suspek ang mga kaso ng paglabag sa RA 7942 (Mineral Theft), Provincial Ordinance No. C-005 (Bulacan Environmental Code) at Executive Order No. 21-2022.

Noong nakaraang buwan, inaresto rin ang mga indibidwal na nagbebenta ng escombro gamit ang Facebook marketplace, sa isang operasyon na pinangunahan ng BENRO, kung saan may kabuuang apat na dump truck na may kargang escombro na walang delivery receipt, ang nakumpiska at na-impound sa lumang Provincial Engineering Office sa Brgy. Tabang, Guiguinto, Bulacan. (ELOISA SILVERIO)

7

Related posts

Leave a Comment