NORTHERN SAMAR – Siyam na katao ang nasagip matapos lumubog ang isang pampasaherong motorbanca sa karagatan ng bayan ng Capul sa lalawigang ito, noong Martes ng madaling araw.
Ayon sa Capul, Samar Police Station, naglalayag ang bagka sa karagatan sakop ng Barangay Aguin, sakay ang kapitan ng bangka at walong pasahero nang hambalusin ito ng malalaking alon dakong alas-3:00 ng madaling araw na nagresulta sa pagtaob nito.
Bukod sa 9 na katao, kargado rin ang bangka ng sako-sakong kopra.
Kaagad namang nakasaklolo ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa Northern Samar at Capul PNP matapos na makahingi ng saklolo ang kapitan ng bangka na si Danilo Andarino, 62-anyos.
Kinilala naman ang nailigtas na mga pasahero na sina Gelon Gordo, 22; Leny Andarino, 25; Darry Andarino, 26; Lucy Andarino, 62; Imee Andarino, 35; Fatima Javier, 29; Jhon Paul Gordo, 23, at Arjen Esquillo, 25-anyos.
Wala namang dumanas ng pinsala sa mga nasagip at matagumpay na nadala ng mga rescue team sa ligtas na lugar sa dalampasigan. (NILOU DEL CARMEN)
