9 PATAY, 16 MISSING SA BAGYONG MARING

0

SIYAM katao, kabilang ang ilang paslit, ang naiulat na nasawi sa loob ng dalawang araw na pananalasa ng bagyong Maring sa Mimaropa at bahagi ng hilagang Luzon base sa paunang ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).

Patuloy pa rin ang isinasagawang search and rescue operations sa 16 na nawawala.

Ayon kay Mark Timbal na siyang tumatayong tagapagsalita ng NDRRMC, kabilang sa mga hinahanap pa rin ang apat kataong pinaniniwalaang natabunan sa pagguho ng lupa sa Benguet.
Binayo ng bagyong Maring ang malaking bahagi ng Luzon na nagdulot ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa kasabay ng matinding buhos ng ulan.

Sa bayan ng Narra na sakop ng lalawigan ng Palawan, apat ang naitalang patay sa flashflood na naganap sa kahimbingan ng tulog ng mga residente mula sa 11 barangay.

Sa tala ng Philippine National Police (PNP) – Mimaropa, kabilang sa mga nasawi sina Ricardo Andres, Jemuel Remonsada, Juan Dubla at Melvin Dubla, pawang residente mula sa bayan ng Narra. Patuloy pang hinahanap ng search and rescue teams sina Liezel Ismao, Melinda Remonsada Rodgie Remonsada at Arjay Ganancial.

Dagdag pa ng NDRRMC, nasa 60 residente ang nailikas sa nasabing lugar.

Sa Benguet, tatlong batang edad 2, 6 at 8 ang namatay nang matabunan ng gumuhong lupa matapos matabunan ng landslide. Mabilis namang naisugod sa pagamutan ang iba pang nasaktan sa naturang landslide.

Naitala rin ang pagbaha sa La Trinidad sa Benguet.

Sa tala ng NDRRMC, tatlo ang nasawi sa La Trinidad, Benguet; isa sa Itogon, Benguet; pagkalunod naman ang ikinasawi ng isa pa sa Claveria, Cagayan; at apat sa Narra, Palawan sanhi ng flashfloods.

Mayroon namang 11 katao mula Benguet, isa sa Ilocos Norte at apat mula sa Palawan ang sinasabing nawawala pa rin.

Sa Cagayan, mahigit 500 pamilya o halos 2,000 indibidwal ang nasa evacuation centers dahil sa bagyong nag-landfall nitong Lunes ng gabi sa Fuga Island.
Nagsasagawa na rin ng preemptive evacuation upang matiyak ang kaligtasan ng mga apektado ng bagyong Maring.

Samantala, isang mekanismo ang ipinatupad sa mga evacuation centers, kung saan ibinukod ang mga positibo sa COVID-19.

Lumakas
habang papalayo

Kaugnay nito, patuloy na mananalasa ang bagyong Maring habang tinatahak ang West Philippine Sea palabas ng bansa, dahilan para itaas sa ilalim ng Signal No. 2 ang siyam na lugar sa hilagang bahagi ng Luzon.

Sa nakalipas na magdamag kahapon ay naranasan sa Northern Luzon ang matinding ulan at hangin na dala ng severe tropical storm Maring.

Ayon sa PAGASA, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 170 km kanluran ng Calayan, Cagayan at taglay nito ang lakas ng hangin na 100 kph na may bugsong 125 kph at kumikilos ng pakanluran sa bilis na 20 kph.

Kaugnay nito, mahigpit na naka-monitor ang Malakanyang sa nagpapatuloy na operasyon sa Tropical Storm Maring.

Ayon sa Palasyo, ang rescue personnel at teams mula sa local government units ay nasa lugar upang ang lahat ng requests para sa rescue at assistance ay kaagad na maaksyunan ng lahat ng may kinalaman na ahensiya.

Ang suporta mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, Philippine National Police at Bureau of Fire Protection ay pinakilos na rin at itinalaga.

“As of October 12, 2021, 6AM, 465 families or 1, 585 persons in Regions 2 and 8 have been preemptively evacuated,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

“As of October 10, 2021,” ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay mayroong mahigit na P128-M Standby Funds.

Idagdag pa rito ang 373,737 na available Family Food Packs na nagkakahalaga ng mahigit sa P219-M.

“We ask the public to continue to take precautionary measures, observe minimum public health standards, and cooperate with their respective local authorities in case of an evacuation,” ang panawagan ng Malakanyang. (JESSE KABEL/LILY REYES/CHRISTIAN DALE)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment