95% NG PRIVATE WORKERS BAKUNADO NA

IBINIDA ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nabakunahan na kontra COVID-19 ang halos lahat ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa bansa.

“At the company level, about 95% of workers have already been vaccinated, based on our consultations with a number of partner private sector employers,” ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

Base naman sa datos ng Department of Health (DOH) nitong Disyembre 13, umabot na sa 32.3 milyon na kabilang sa A4 category ang nabakunahan ng kanilang una o ikalawang dose.
“This would mean that about 70-80% of workers, both formal and informal sectors, have already been vaccinated,” ayon pa kay Bello.

Suportado rin ng DOLE ang National Vaccination Program ng Inter-Agency Task Force sa pamamagitan ng paglalaan ng data encoders, pagbibigay ng transportasyon sa mga manggagawa sa vaccination sites, at pangangampanya sa sektor ng paggawa na magpabakuna na.

Makaraang magpalabas ng regulasyon ang IATF na kailangang sumailalim sa RT-PCR test ang hindi bakunadong manggagawa bago pumasok sa trabaho, sinabi ni Bello na inirekomenda niya kay Pangulong Rodrigo Duterte na sagutin ang gastos sa testing.

Ngunit inaasahan na aabot sa P2 hanggang P3 bilyon ang magagastos ng DOLE kung aaprubahan ito kaya naman muling nanawagan si Bello sa mga manggagawa na mas mainam na boluntaryo na silang magpabakuna upang maging produktibo para sa bansa at sa kanilang pamilya. (RENE CRISOSTOMO)

3

Related posts

Leave a Comment