Active COVID cases sumirit sa 274 MANDATORY FACE MASK PINABABALIK SA VALENZUELA

covid

ISA pang pasyente ang binawian ng buhay sa COVID-19 habang sumipa sa 274 ang mga aktibong kaso sa Valenzuela City matapos na 57 bagong kaso ang naitala, batay sa pinakahuling ulat ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU).

Ayon sa CESU, hanggang 11:59 ng gabi noong Setyembre 21 ay umakyat na sa 963 ang bilang ng mga namatay, habang 46,299 ang cumulative confirmed cases at 45,062 ang recovered matapos na 42 ang gumaling.

Sa 274 na aktibong kaso ay 207 ang naka-home quarantine, 53 ang nasa isolation facility at 14 ang nakaratay sa pagamutan.

Bunsod nito, nanawagan ang mga residente ng lungsod sa lokal na pamahalaan na dalhin nang lahat sa isolation facility ang mga positibo sa COVID dahil hindi naman umano namo-monitor ang sinasabing home quarantine.

Marami pa rin umano ang nananatiling pasaway at tila walang natutunan sa lagpas dalawang panahon ng pandemya, at kahit alam nang positibo ay hindi iilan ang lumalabas pa rin ng bahay o kaya ay nakikihalubilo pa rin sa mga kalugar.

Nais din umano ng mga residente na ibalik sa pagiging mandatory ang pagsusuot ng face mask para sa kaligtasan at kapakanan ng lahat, at huwag nang hintaying umabot na naman sa libu-libo ang aktibong kaso bago gumawa ng solusyon. (ALAIN AJERO)

Related posts

Leave a Comment