ADJUSTED CLASS SCHEDULE INIUTOS SA MAYNILA

INATASAN ng Manila Schools Division Office sa pamamagitan ng inilabas na memorandum na magsagawa ng klase ang public schools mula alas-6 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali dahil na rin sa umiiral na El Niño na nakaaapekto sa bansa.

Nakasaad sa memorandum na may petsang Abril 8 at nilagdaan ni SDO Chief education supervisor Nerissa Lomeda na magiging epektibo ang kautusan ngayong Huwebes, Abril 11 hanggang Mayo 28 sa lahat ng public schools sa lungsod.

Ang pagpapatupad ng division memorandum ay resulta ng consultative meeting sa iba’t ibang stakeholders sa edukasyon sa lahat ng mga kaugnay na isyu ng Department of Education (DepEd).

Nauna nang sinabi ni DepEd Assistant Secretary Francis Bringas na may awtoridad ang mga regional director at superintendent na ilipat ang iskedyul ng klase sa umaga o hapon dahil sa hindi matiis na init sa mga paaralan.

Aniya, maaaring tanggalin ang outdoor activities sa pagitan ng alas-9:30 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon upang maiwasan na mabilad sa araw ang mga estudyante.

Pinayuhan din ang mga mag-aaral at guro na magsuot ng komportableng damit sa mga paaralan, na napapailalim sa mga dress code, sa pagsisikap na malabanan ang init.

(JOCELYN DOMENDEN)

52

Related posts

Leave a Comment