ADMIN RAPS TULOY VS 2 PNP GENERALS

pnp

ITUTULOY ng National Police Commission (Napolcom) ang pagsasakdal laban sa dalawang heneral ng Philippine National Police (PNP) at dalawa ring colonels na diumano’y nauugnay sa ilegal na droga.

Sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa isang news conference na nagpalabas na ang Napolcom ng isang resolusyon para ituloy ang pre-charge investigation laban sa mga hindi pa pinangalanang opisyal.

Hinikayat din ni Abalos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tanggapin ang courtesy resignation na nauna nang isinumite ng mga naturang police officials.
“The resolution will cover administrative charges to be handled by the Napolcom. The criminal charges, meanwhile, will be under the Deputy Ombudsman for Military and other Law Enforcement Offices (MOLEO),” ayon kay Abalos.

“We are doing this so that the cases will continue even if their courtesy resignations are accepted,” dagdag na wika nito.

Ani Abalos, ang Napolcom, nasa ilalim ng DILG, ay tinanggap din ang report ng five-member panel na inatasan na linisin ang hanay ng mga opisyal na iniuugnay sa ilegal na droga.

Nauna rito, kinumpirma ni Pangulong Marcos nito lamang weekend na tinanggap niya ang pagbibitiw sa serbisyo ng dalawang PNP generals, subalit sinabi naman ni Abalos na hanggang sa ngayon ay wala pang natatanggap ang DILG na transmittal letter mula sa Office of the President (OP).

“We’ve heard in the media, parang tinanggap niya. What we will do, is we will wait for the actual letter,” dagdag na pahayag ni Abalos.

Samantala, maaari ring maharap sa  criminal charges ang mga pasaway na opisyal matapos maghain ng complaint affidavit si dating PNP chief Rodolfo Azurin Jr.  sa Napolcom laban sa dalawang heneral para sa grave misconduct at grave neglect of duty.

Para naman sa dalawang colonels, sinabi nito na nagpalabas ang Napolcom ng isang resolusyon para sa kanilang pre-charge  para sa kahalintulad na reklamo.
Ang initial processes para sa mga nasabing kaso ay inaasahan na makokompleto sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo. (CHRISTIAN DALE)

40

Related posts

Leave a Comment