BILANG paghahanda sa halalan 2022, itataas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police ang kanilang alerto simula ngayon araw.
Kahapon, araw ng Huwebes ay pinasimulan na ring pakilusin ang National Election Monitoring and Action Center (NEMAC) at Regional Election Monitoring and Action Centers (REMACs).
Ayon kay AFP Chief of Staff General Andres Centino sa ikaapat na Commission on Elections (COMELEC) Command Conference na ginanap sa Camp Crame, simula ngayon Biyernes ay naka-full alert ang buong pwersa ng sandatahang lakas.
Ani Centino, naisaayos na nila ang kanilang plano at naka-setup na rin ang kanilang monitoring command centers at maging ang kanilang mga kagamitan ay naka-preposition na rin.
Layunin ng pagtataas ng alerto na maihanda ang kanilang mga tauhan para sa kanilang gagawing pagbabantay sa gaganaping halalan sa Lunes, Mayo 9.
Inihayag din ni outgoing PNP chief, Police General Dionardo Carlos na kasabay ng pagpapaigting ng lahat ng security arrangements sa nalalabing araw bago ang 2022 national and local Elections sa Mayo 9 ay sabay-sabay na binuksan ng PNP ang National Election Monitoring and Action Center (NEMAC) at Regional Election Monitoring and Action Centers (REMACs).
Pinangunahan ang mga seremonya ni PNP Officer In Charge, Police Lieutenant General Vicente Danao Jr., ang tumatayong commander ng PNP Security Task Force NLE 2022, at PNP chief for Operation.
Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Pol. Lt. Gen. Danao bilang OIC (officer-in-charge) ng Philippine National Police (PNP), ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, kaugnay ng pagreretiro sa serbisyo ni PNP chief, Gen. Carlos sa darating na Mayo 8, o isang araw bago ang halalan.
Magugunitang inihayag ni Sec. Año na dalawang pangalan ng PNP senior officers ang kanyang isinumite kay Pangulong Duterte kabilang dito si PNP Deputy Chief for Operations Gen. Danao Jr. na miyembro ng Philippine Military Academy Class of 1991.
Kasama si PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia ng PMA of 1989 sa awtomatikong susunod sa pwesto kung susundin ang PNP hierarchy. Lumabas din ang pangalan ni National Capital Region Police Office Chief MGen. Felipe Natividad na miyembro ng PMA Class of 1990. (JESSE KABEL)
184