AFP, PNP inatasang tumugis sa suspek RIVALRY SINISILIP SA MAGUINDANAO BUS BOMBING

PUSPUSAN ang ginagawang pagkilos ngayon ng Armed Forces of the Philippine at Philippine National Police para madakip sa lalong madaling panahon ang suspek sa Rural Transit Bus bombing sa Parang, Maguindanao, bunsod ng utos mula sa Malacañang.

Inatasan ni PNP chief, P/Gen. Dionardo Carlos si Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) Regional Director P/BGen. Arthur R. Cabalona na gamitin ang lahat ng “available resources” para sa ikadarakip ng responsable sa nangyaring pagpapasabog sa passenger bus na ikinasugat ng anim katao.

Ito ay kasunod ng pagpapalabas ng PNP-BARMM ng artist’s sketch ng itinuturing na ‘person of interest’ sa nangyaring pagsabog ng hulihang bahagi bus sa Barangay Making, bayan ng Parang, noong Linggo ng umaga.

Nabatid na nakabuo ng cartographic sketch ang mga awtoridad matapos na tumutugma ang larawang nakuha mula sa CCTV sa loob ng bus sa testimonya ng ilang pasahero.

Lumilitaw sa pagsisiyasat ng binuong Special Investigation Task Force ng PNP-BARMM na ang lalaking isinalarawan ay isa sa 23 pasahero na bumaba bago nangyari ang pagsabog.

“Based po sa nakuhang impormasyon ng ating mga imbestigador, wala na naman pong mga demands, walang insidente that can be attributed to extortion. Kaya ang lumalabas ngayon na angle of investigation is the rivalry between van operators at ng Rural Transit Bus,” pahayag  ni PNP BARMM regional director, Police Brig. Gen. Arthur Cabalona.

Ayon sa PNP BARMM, mula sa cellphones, blasting caps, high explosives na may pako, at scrap metals ang ginamit na IED components.

Napag-alaman din ng mga awtoridad na bukod sa bombang sumabog, isang secondary IED rin ang natagpuan ng EOD team sa isa pang bahagi ng bus na agad na-disrupt.

Nagpapagaling sa ospital ang anim na sugatan sa pagsabog, kabilang ang konduktor ng bus.

Galing sa General Santos City ang bus at patungo ng Dipolog City nang mag-stop over sa Brgy. Making sa Parang upang makapag-agahan ang mga pasahero nang mangyari ang pagsabog. (JESSE KABEL)

116

Related posts

Leave a Comment