HINDI kinumpirma ng Armed Forces of the Philippine ang napaulat na pagdating ng umano’y mahigit 400 container vans ng United States at France na naglalaman umano ng military hardwares at mga kagamitang pandigma.
Ito ay matapos na kumalat ang isang video footage sa pagdating ng umano’y military equipment sa Subic Bay na nakatakdang gamitin sa Balikatan war exercises na sasalihan ng US, France at Pilipinas na sasaksihan ng 14 iba pang bansa.
Ayon kay Balikatan 2024 executive agent, Col. Michael Logico, “I cannot confirm that, you have to do your own research on that. From my position I cannot comment on troop movement. I cannot comment on arrival dates of equipment,” ani Col. Logico na nagpaliwanag na hindi siya maaaring magbigay ng komento na hindi relevant sa nasabing pagsasanay.
Kamakailan ay nagsagawa ng paglilinaw si Office of Civil Defense Administrator Ariel Nepomuceno, nang makaladkad ang pangalan ng OCD at nagamit ang kanyang pangalan at litrato sa arrival ng 400 containers.
Hindi kinumpira ng liderato ng OCD ang pagdating sa Pilipinas ng military equipment mula sa US at France.
Subalit sa isang statement, sinabi ng ahensiya na napag-alaman nilang may inilabas na video hinggil sa pagdating umano ng naturang military equipment subalit binigyang diin ng ahensiya na misinformation o disinformation ang nilalaman ng video kung saan isinasangkot ang OCD at si Civil Defense Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno.
Nilinaw rin nito na hindi commandant ng Philippine Marine Corps si USec. Nepomuceno at walang pahayag na inilalabas ito o maging ang ahensiya kaugnay sa naturang usapin gaya ng binanggit sa video.
Sinabi rin ng OCD, ang mga larawan at video ni USec. Nepomuceno na ipinakikita sa naturang video, ay mula sa isinagawang press conference sa paghahanda sa El Niño noong 2023.
Pinaalalahanan naman ng ahensiya ang publiko na tanging sa mapagkakatiwalaan lamang na sources maniwala at iwasang magkalat ng hindi beripikadong mga impormasyon.
(JESSE KABEL RUIZ)
75