Aksyon ng DOH-Calabarzon sa Quezon hospital NAIPONG BANGKAY INIIMBESTIGAHAN

0

INIIMBESTIGAHAN na ng Department of Health-Calabarzon ang mga nadiskubreng bangkay na nakatengga sa isang bahagi ng Quezon Medical Center sa lungsod ng Lucena.

Pahayag ito ni DOH-Calabarzon director Eduardo Janairo sa isang panayam sa ABS-CBN, kung saan ipinalabas ang footage ng mga bangkay na nagsisimula na umanong mabulok, na kuha ng isang nagmamalasakit na kawani ng ospital.

Ito’y sa kabila ng kautusan ng DILG at DOH na ang mga namatay sa COVID-19 ay kailangang ma-disposed sa loob lamang ng 12 oras.

Sinabi ni Dir. Janairo na ang gusto ng karamihan sa mga kaanak ng namamatay sa COVID-19 virus ay ma-cremate ang bangkay ng mga ito. Gayunman, dahil sa kakulangan ng crematorium sa lalawigan ng Quezon ay pwede rin aniyang i-seal sa body bag ang mga bangkay gayundin ang ataul na paglalagakan sa mga ito saka ilibing.

Ang Quezon Medical Center ang panlalawigang ospital ng Quezon na pinamamahalaan ni Dr. Rolando Padre at nasa ilalim ng pamahalaang panlalawigan na pinamumunuan naman ni Gov. Danilo Suarez.

Sa panayam, itinuro ni Dr. Padre ang DILG at mga local government unit bilang responsable sa pagkaipon ng mga bangkay.

Hindi naman itinanggi ni Gov. Suarez ang insidente at nagsagawa na rin umano ng pagpupulong ang ilang lokal na opisyal hinggil dito.

Reaksyon naman ng mga saksi sa pangyayari, mistulang pagpapakita ito ng kawalang kakayahan ng gobernador at pagiging hindi handa sa patuloy na pagkalat ng sakit at paglobo ng bilang ng mga namamatay sa virus araw-araw.

Maituturing din anila itong malaking kahihiyan at dagok sa pangasiwaan ng ospital, lalo na sa lokal na pamahalaan ng probinsya ng Quezon. (ANNIE PINEDA)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment