AKTIBONG PULIS HULI SA SEXTORTION

ISANG aktibong kasapi ng Philippine National Police ang inaresto sa loob ng motel ng mga tauhan ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Ito ay matapos na ireklamo ng kanyang dating karelasyon na pinagbantaang ikakalat ang kanilang mga sex video kung hindi makikipagtalik sa kanya.

Kinilala ni IMEG Director Police Brig. Gen. Warren de Leon ang suspek na si Patrolman Julius Ramos na nakatalaga sa Service Support Division, Intelligence Group sa PNP Headquarters sa Camp Crame.

Huli sa akto sa ikinasang entrapment operation ang pulis noong Huwebes ng madaling araw sa loob ng All Star Travelers Inn sa Tungkong Mangga Cypress, San Jose Del Monte, Bulacan, habang kasama ang complainant.

Ayon kay De Leon, sinimulan nilang trabahuin ang nasabing pulis matapos na lumapit sa kanilang tanggapan ang mga kamag-anak ng biktima nang magbanta ang pulis na ikakalat sa social media ang private photos ng babae kung hindi makikipagkita sa kanya sa motel.

Kasalukuyang nakakulong sa IMEG-NHQ Custodial Facility sa Camp Crame ang suspek na nahaharap sa administratibong kaso gayundin sa kasong grave coercion at paglabag sa Cybercrime Prevention Act at RA 9995 o Photo and Video Voyeurism. (JESSE KABEL RUIZ)

39

Related posts

Leave a Comment