AKYAT-BAHAY TIMBOG NANG MAIWAN ANG PITAKA AT ID SA NILOOBANG TINDAHAN

CAVITE – Arestado ang isa sa dalawang umano’y notoryus na akyat-bahay na nanloob sa isang grocery store matapos matukoy ang kanilang pagkakakilanlan dahil sa naiwang pitaka at identification cards (ID), sa bayan ng Ternate sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.

Sa ikinasang follow-up operation, arestado ang suspek na si Roa Melchor y Elopre, 30, residente ng Pulang Lupa, Las Piñas City, sa Bernabe compound, Las Piñas City dakong alas-2:00 ng hapon, habang pinaghahanap ang kasama nito na si Rixon Brioso y Capilian, 22, ng Brgy. Capipisa, Tanza, Cavite .

Ayon sa salaysay ni Benjie Coniendo, 30, store manager ng Dali Everyday Grocery sa Brgy. Ibayo Silangan, Naic, Cavite, dakong alas-7:00 ng umaga nang matuklasan ang panloloob sa nasabing grocery store.

Nabatid sa imbestigasyon, dakong alas-11:17 noong Miyerkoles ng gabi nang pasukin ng mga suspek ang tindahan sa pamamagitan ng pagsira sa bubong at kisame nito. Tinangay nila ang P15,000 cash na kita ng tindahan.

Subalit, posibleng nahulog ng isa sa mga ito ang kanyang brown na pitaka na naglalaman ng identification cards (ID) sa kanilang pagtakas.

Dahil sa nakuhang pitaka at ID ni Melchor at sa backtracking na napanood sa footage ng closed circuit television (CCTV), nagsagawa ng follow up-operation ang pulisya kasama ang barangay officials ng Brgy. Pulang Lupa, Las Piñas City at naaresto si Melchor. (SIGFRED ADSUARA)

31

Related posts

Leave a Comment