ANOMALYA SA FDA MULING PINUNA

MULING kinalampag ni Senador Raffy Tulfo ang Food and Drugs Administration (FDA) kaugnay sa mga isyu ng katiwalian sa ahensya partikular sa pag-iisyu at renewal ng certificate of product registration.

Sa impormasyon ni Tulfo, nasa P5 milyon hanggang P20 milyon ang naging ‘asking price’ mula sa  isang pharmaceutical firm  para mapadali ang renewal ng CPR mula sa FDA na natengga na ng tatlo hanggang limang taon.

Aminado naman ang bagong talagang FDA director general Samuel Zarate, na nakakadismaya ang naturang impormasyon at nangako na agad itong paiimbestigahan.

“Kung ‘yan po ay totoo, nakakapanlumo po ‘yan kasi actually po we do not tolerate that in my agency,” saad ni Zarate.

Binanggit din ni Tulfo na batay din sa komunikasyon niya sa datingdirector general ng ahensya inamin nito na  “graft-ridden” ang FDA.

“She admitted to me na graft-ridden ang inyong agency and she admitted to me… P5 million to P20 million ang hinihingi kada produkto. That’s why she said she’s gonna put a stop to it pero hindi niya napigil, hindi niya naputol ang practice na ‘yon. That’s why natanggal siya,” saad ni Tulfo.

“Now, wag kang magmalinis at wag mong sabihin na malinis ang inyong ahensya. Just accept the fact na maraming problema d’yan sa FDA and you’ll do something para linisin yan,” dagdag ng senador.

Inamin naman ni  Zarate na nakakarinig na rin sila ng mga kwento ng umano’y korapsyon sa ahensya subalit wala pa siyang hawak na ebidensya.

“May mga naririnig po talaga ako but the problem is I don’t have leads.

Hindi ko po talaga hahayaan ang ganyan. So, I want to coordinate with people that have a knowledge regarding sa corruption ng ahensya ko. Puro s’ya po naririnig ko but I don’t have proof,” diin ni Zarate.

Aminado rin si Zarate na mabagal ang proseso sa  FDA kaya’t mayroong backlogs. (DANG SAMSON-GARCIA)

19

Related posts

Leave a Comment