ANTI-DRUG PARTY-LIST VOLUNTEER, 2 PA TIKLO SA P199K SHABU

CAVITE – Tinatayang P2 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa arestadong tatlo katao, kabilang ang volunteer ng isang anti-drug party-list, at isang menor de edad, sa buy-bust operation sa Dasmariñas City noong Lunes ng hapon.

Kinilala ang mga arestado na sina Asrap Kamad Kasan Datu, volunteer ng People’s Volunteer Against Illegal Drug (PVAID) party-list; Datu Jerklie Abdulkarim, at isang 17-anyos na binatilyo na si alyas Tato.

Ayon sa ulat ng NBI-TFAID, noong Enero 23, nakatanggap sila ng impormasyon na si Datu ay may ibebentang shabu na nagkakahalaga ng P900,000, sa informant dahilan upang magplano ng buy-bust operation ang mga awtoridad.

Noong Enero 24, nagkasundo si Datu at ang informant na susunduin ang isang kaibigan na kinilalang si Asrap, sa isang lugar sa Roxas Boulevard sa Pasay City bago sila tumuloy sa Dasmariñas City

Sakay ng isang Nissan Sentra na minamaneho ng isang operatiba ng NBI-TFAID, sinundo nila si Asrap at tumuloy sa Paliparan III, Dasmariñas City, Cavite kung saan dito ibibigay ang P900,000 halaga ng shabu.

Pagdating sa lugar, pumasok sa sasakyan ang kausap ni Datu na si Tato kung saan iniabot kay Asrap ang isang maliit na kahon na naglalaman ng shabu.

Sa puntong ito, inaresto ang mga suspek ng pinagsamang puwersa ng NBI-TFAID, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP-Cavite Provincial Office.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang 293.5185 gramo ng hinihinalang shabu na P199,800 ang street value.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2020. (SIGFRED ADSUARA)

Related posts

Leave a Comment