PATULOY ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) kung bakit nauwi sa pamamaril ang sana ay pagkakasundo ng dalawang kilalang angkan sa Maguindanao.
Patay sa tama ng bala sa ulo ang police escort na si S/Sgt. Zahraman Mustapha Diocolano, taga Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte at nakatalaga sa Provincial Mobile Force Company ng Maguindanao Del Norte Provincial Police Office.
Dinakip naman ng nagrespondeng mga tauhan ng PNP at Marines sa lugar ang apat na mga suspek na sinasabing responsable sa pamamaril.
Kinilala ang mga ito na sina PFC John Carlo Bravo Nocum, kasapi ng 2nd Mechanized Battalion, Philippine Army, at escort ni Datu Kim Sinsuat; Jholex Padsod Buludan, Datu Ali Ibrahim Mongkar, at Roufden Angkad Ameril, mga residente ng Datu Odin Sinsuat.
Nabatid na ang biktima ay escort naman ni Datu Odin Sinsuat Mayor Datu Lester Sinsuat.
Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, katatapos lamang ng pag-uusap nina Mayor Lester Sinsuat ng Datu Odin Sinsuat, at pamilya ni Datu Jham Sinsuat sa bahay ni former Congressman Datu Roonie Sinsuat sa Rosales St., Rosary Heights 6, Cotabato City, nang biglang barilin ang escort ni Mayor Lester sa labas ng compound nito kamakalawa pasado alas-alas dos ng hapon.
Sinasabing nag-ugat ang alitan ng dalawang maimpluwensiyang angkan matapos ang National at Local Elections noong 2022 kung saan napatay sa pamamaril si Datu Jamael Sinsuat, Sr.
Agad namang nagresponde ang mga pulis sa pinangyarihan ng insidente, at nadakip ang apat na mga suspek.
(JESSE KABEL RUIZ)
173