ARMY ENGINEERING BATTALION MINOBILISA PARA SA APEKTADO NG LPA

MINOBILISA ni Philippine Army chief, Lt. General Romeo Brawner ang lahat ng humanitarian assistance and disaster response units ng Hukbong Katihan para magbigay ng tulong sa mga komunidad sa Metro Manila at ilang bahagi ng Eastern Visayas na maaaring naapektuhan ng malakas na pag-ulan dala ng nararanasang Low Pressure Area o LPA.

Ayon kay Army Spokesperson  Col. Xerxes Trinidad, pinakilos ng 525th Engineer Combat Battalion, 51st Engineer Brigade ang kanilang dalawang light urban search-and-rescue team para sa posibleng pagsasagawa ng  humanitarian assistance and disaster response para sa mga lugar na madaling bahain sa Metro Manila bunsod ng mga pag-ulan na dulot ng low-pressure area na kasalukuyang nakakaapekto sa Luzon at Eastern Visayas.

Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang Philippine Army sa local government units na maaaring mangailangan ng kanilang tulong.

Sinabi pa ni Col. Trinidad, ang Eastern Visayas-based 802nd Infantry Brigade ng 8th Infantry Division ay nagre-position ng kanilang emergency assets at humanitarian assistance and disaster response teams sa mga lugar na posibleng naapektuhan ng LPA.

Ang mga kasapi ng Philippine Army ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagsagip, pagtulong, at mga pagsisikap sa rehabilitasyon para sa mga komunidad na apektado ng anomang kalamidad na nakakaapekto sa bansa. (JESSE KABEL)

21

Related posts

Leave a Comment