HINILING ng Office of the Provincial Prosecutor ng Pangasinan sa Regional Trial Court (RTC) ng Urdaneta City na mag-isyu na ito ng warrant of arrest laban sa 23 akusado sa ilegal na operasyon ng e-sabong na pinamumunuan ng anak ng mag-asawang sangkot sa nawawalang P75 milyong performance bond ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Sa panayam kay P/Lt. Col. Junmar Gonzales, hepe ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), nakaalerto na ang kanyang mga operatiba sa probinsya sakaling bigyan sila ng korte ng ‘warrant of arrest.’
Naihain ng prosekusyon ang mosyon para sa warrant of arrest dahil hindi na dumalo ang mga akusado sa pagbasa sa kanila ng demanda o ‘arraignment’ na itinakda noong October 5, 2023 sa sala ng Urdaneta City RTC Branch -45 laban sa mga akusadong pinamumunuan ng mag-asawang Rizalina at Simplicio Castro at ang pinaka-lider na anak ng mga ito na si Jewel Castro.
Ang mag-anak na Castro ay nasasakdal din kasama ang pitong (7) dati at kasalukuyang mga opisyal ng PAGCOR sa kasong graft at iba pang kasong kriminal sa Office of the Ombudsman kaugnay sa nawawalang P75-million cash performance bond na inilagak ng isang korporasyon.
Ang mag-anak na Castro ay kabilang din sa imbestigasyong ipinag-utos ng bagong PAGCOR Chairman at COO na si Alejandro Tengco, na nangako ng hustisya para sa nabiktima ng mag-anak at kanila umanong mga kasabwat sa ahensiya.
Ang mag-asawang Rizalina at Simplicio Castro ay naaresto nina PNP-CIDG Pangasinan Chief P/Lt.Col. Junmar Gonzales sa isang raid sa Laoac, Pangasinan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Quezon City RTC Br-77 kaugnay sa multi-million investment scam at sa pag-ooperate ng ilegal na e-sabong sa nabanggit na probinsiya.
Si Jewel Castro, at isa pang nakilala bilang Ethan Eleazar, ay nakatakas sa nasabing raid.
Iniulat din ni PNP-CIDG Director Maj. Gen. Romeo Caramat na si Eleazar at isang nagngangalang “Masayaki Kimura”, na hinihinalang alias lamang ni Jewel Castro, ay mga incorporator din sa Broiler Entrepreneurship Agriventures Inc., na may kasong syndicated estafa case sa QC court.
Sinabi naman ni Gonzales na ang kanilang raid ay bunga ng isang tip na sina Eleazar at Castro ang siya rin nasa likod ng iligal na online sabong sa Laoac, Pangasinan, ngunit nakatunog ang mga ito.
(PAOLO SANTOS)
261