Asignatura sa kolehiyo pinababawasan din AUTOMATION SA MGA PAARALAN ISINULONG NI GATCHALIAN

SUPORTADO ni Senador Win Gatchalian, chairman ng Senate committee on basic education, arts and culture ang pagbabawas ng mga asignatura sa kolehiyo at tuluyan na lamang ilagay lahat sa K-12 upang mabawasan ang taong gugugulin sa kolehiyo.

Sa pagdalo ni Gatchalian sa Kapihan sa Manila Hotel sa kooperasyon ng Kapisanan ng Social Media Broadcaster ng Pilipinas, tinukoy nitong halos paulit-ulit na lamang ang ibang asignatura na nasa kolehiyo at nasa K-12.

Tumanggi naman si Gatchalian na idetalye kung anu-ano ang nais niyang tanggaling asignatura sa kolehiyo at ilagay na lamang sa K-12 subalit aniya ang dapat pagtuunan ng panahon, halimbawa sa Araling Panlipunan at MAPEH ay maraming oras na ilaan sa pagbabasa na lamang.

Bukod dito, sinabi ni Gatchalian na pahirap sa isang magulang ang pagkakaroon ng dagdag na taon sa pag-aaral ng kanyang anak.

Ipinunto ni Gatchalian na imbes nagtatrabaho na sa edad 21 ay aabot pa ng 23 hanggang 24 taong gulang ang estudyante bago makatapos ng pag-aaral at makapagtrabaho dahil sa pagkakaroon ng K-12.

Dahil dito, nais ni Gatchalian na muling pag-aralan ang nilalaman ng K-12 at maging ang curriculum sa kolehiyo upang maisaayos ito.

Iginiit ni Gatchalian na mas mahalagang maraming oras sa pag-aaral ang ilaan sa pagbabasa, pagbibilang at GMRC.

Ang dapat aniya, mula sa unang grado hanggang ikatlong grado ng bata ay matuto itong magbasa at magbilang.

Napuna kasi ni Gatchalian na marami sa mga mag-aaral sa kasalukuyan ang hindi magaling sa pagbabasa at pagbibilang o pagkukuwenta.

Iminungkahi rin ng mambabatas na maging automated ang lahat ng paaralan upang mabawasan ang oras na inaaksaya ng mga guro sa paggawa ng lesson plan at mga report nito.

95

Related posts

Leave a Comment